Maruming Laro

ANG PULITIKA ay isang laro. Madumi, mapanganib, at madugong anyo ng paligsahan.

Panahon pa ni Julius Caesar ng sinaunang Roma at marahil ay mas maaga pa, ganito na ang pulitika, isang drama na ang paulitulit na tema ay kasinungalingan, katrayduran, at karahasan.

Isa itong laro na ang kadalasang bihasa ay ang iilan, ang mga elitista ng lipunan. Isa itong laro na nilalaro sa ngalan ng masa ngunit lagi naman silang itsa pwera.

Sa tagisang ito, walang puwang ang integridad at delikadesa at higit sa lahat ang katotohanan. Ang katotohanan ay depende sa kung sino ang may lakas upang ipatupad at ipakalat ang kanilang bersyon ng mga angyayari. Ang kahulugan ng mga salita at konsepto ay depende sa kung sino ang may pinakamalakas na boses.

Tingnan na lang natin ngayon itong nagaganap na sabong sa pagitan ni Pangulong Arroyo na handang gawin at bilhin ang lahat makapangunyapit lamang sa kapangyarihan at ng mga nasa oposisyon na desperadong sila naman ang makapwesto.

Ang kontrobersyang “Hello Garci” ay isang napakalaking pagkakamali sa bahagi ng administrasyon at isang napakalaking oportunidad naman para sa mga kalaban sa pulitika ni GMA.

Lalong ibinunyag ng krisis pampulitikang ito kung gaano kalasing sa kapangyarihan ang kasalukuyang umuokupa ng Malakanyang. Kung gaano ito kadesperadong manatili sa pwesto kahit na sagasaan nito ang mga pinakabatayang kalayaan at karapatan ng mamamayan.

Maging ang ‘media’ na haligi ng isang demokratiko at malayang lipunan ay tinakot at binusalan.

Hanggang ngayon ay hindi pa nga tapos magbayad ng gobyernong Arroyo sa mga opisyal ng militar, sa mga pulitiko, at maging sa mga kaparian para sa kanilang katapatan, suporta, at pagbabaon sa katotohanan.

Nitong nakaraang Pebrero, nakita rin natin kung paanong ang namumuong ‘people power’ na dati ring nagluklok kay Pangulong Arroyo ay naging ‘destabilisasyon,’ terorismo, sedisyon, banta sa seguridad ng bansa, at kataksilan sa bayan. At ang mga nagpasimuno rito ay hindi mga bayani kundi mga kriminal at traydor sa Konstitusyon.

Isang opisyal na rin ng pamahalaan ang nagbanggit na ang diperensya ng EDSA II sa katatapos na tangkang ‘withdrawal of support’ nitong Pebrero ay nagtagumpay ang una at nabigo ang ikalawa nang hindi sumama ang ilang susing opisyal ng militar.

Patunay lamang na kahit na sa ipinagmamalaki nating ‘people power,’ hindi naman talaga ang sambayanan ang mapagpasya kundi ‘yung mga may hawak ng baril at pantustos na pinansiya.

Ibig sabihin lang, anumang ehersisyo ng demokrasya ay mananatiling huwad at tila paglalaro ng ahedres lamang sa pagitan ng mga elitista hangga’t hindi nagkakaroon ng tunay na pangekonomiya at pampulitikang kapangyarihan ang karamihan sa ating mamamayan.

In this issue:

Download the Human Rights Forum January – June 2006.

Pagbabayad sa krimen

MAHABA-HABA na rin ang nalakbay ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law sa kanilang
paghahanap ng hustisya.

Dalawampung taon na ang nakalilipas nang una silang magsampa ng class suit laban sa yumaong diktador Ferdinand Marcos noong 1986 sa Hawaii. Pagkatapos nito, halos sampung taon din ang kanilang hinintay bago idineklara ng korteng nagkasala nga ang dating pangulo at ipinag-utos na dapat magbayad ang pamilyang Marcos ng 2 bilyong dolyar sa kanila.

Ngunit hanggang ngayon, ni isang singkong duling wala pa ring natatanggap na kumpensasyon ang mga biktima.

Nakakainis isipin na hindi na nga sa sariling bayan nakakuha ng pagkilala at hustisya ang mga Pilipinong nagdusa noong Martial
Law, mismong gobyerno pa natin ngayon ang isa sa mga nagiging hadlang upang mapatupad ang utos ng korte sa Hawaii.

May nakita na sanang pwedeng panggalingan ng ipambabayad sa mga biktima at ito ay ang 40 milyong dolyar na itinago ng mga Marcos sa pamamagitan korporasyong Arelma, ngunit hinahabol din ng gobyerno ng Pilipinas ang perang ito. Bagama’t natalo na ang petisyon ng gobyerno sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), umapela pa ito at napigil ang pamimigay ng pondo sa mga biktima.

Pangalawang pwedeng pagkuhanan ng pondo para sa kumpensasyon ay ang $683 milyong galing sa mga Swiss banks na ngayon ay nasa kabang bayan na ng Pilipinas.

Nagtakda ng dalawang kondisyon ang korte ng Switzerland bago magalaw ang naturang pondo: una, dapat mapatunayang ilegal ang pinagmulan ng perang ito; at pangalawa, dapat mapunta sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao ang isang bahagi ng perang ito.

Natugunan na ang unang kondisyon nang ideklara ng Supreme Court noong Hulyo 15, 2003 na ang $683 milyon ay ilegal na naipon ng mga Marcos at dapat ibalik sa gobyerno. Ngunit ang pangalawang kondisyon ay nakabitin pa rin sa alanganin dahil hindi pa nakakapasa sa Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng kumpensasyon sa mga biktima, ang House Bill 4535.

Inabot din nang halos sampung taon ang debate sa Kongreso hinggil sa naturang panukalang batas; una, dahil sa hindi na rin pagkakasundo ng mga mambabatas na nagsusulong dito, at pangalawa, dahil sa mga amendments o pagbabagong isinusulong ng kampo ni Rep. Aimee Marcos.

Nais ng “Ilocos Bloc” sa Kongreso na huwag lamang ang mga biktima ng Martial Law ang bigyan ng kumpensasyon kundi maging ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng pamumuno ng ibang presidente.

Malinaw na ang layunin ng itinutulak na pagbabagong ito sa HB 4535 ay upang huwag mabahiran o magkaroon ng pagkilalang lumabag nga sa karapatang pantao ang yumaong Marcos.

Sa kasalukuyan ay nakatakdang talakayin sa bicameral conference ng Senado at Mababang Kapulungan ang nasabing panukalang batas upang magkaroon ito ng iisang bersyon at tuluyan nang maging batas.

Ngunit gaya ng kalagayan sa Kongreso ng maraming panukalang batas sa karapatang pantao, oras ang kalaban ng batas sa kumpensasyon lalo na’t malapit nang maging abala ang mga mambabatas sa pangangampanya para sa eleksyon sa Mayo, 2007.

Ang tanong, pagkatapos matugunan ang lahat ng legal at administratibong proseso para sa pagkakaloob ng kumpensasyon sa mga biktima ni Marcos, may pera pa kayang matira?

In this issue:

Download the Human Rights Forum July – September 2006.

Karapatang Pantao at ang ASEAN

BUKOD SA ang kahulugan nito ay Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at miyembro nito ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar (Burma), Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam, ano pa nga ba ang alam ng karaniwang tao hinggil sa ASEAN?

Oo nga pala, merong palarong ASEAN, o ang SEAGames, na ginaganap tuwing ikalawang taon.

Mahalaga sana ang papel ng organisasyong ito para magkaroon ng pagtutulungan at pagkakaisa ang mga bansang “magkakakapitbahay” at binibigkis ng kultura at pagkakakilanlan. Karamihan din sa mga kasapi ng ASEAN ay kabilang sa mga tinatawag na ’developing countries’ kaya meron ding pare-parehong adyenda pagdating sa pandaigdigang ekonomiya at kalakalan.

Noong mga unang taon nito at hanggang ngayon, kumikilos ang ASEAN bilang isang maluwag na ’network’ o alyansa kaya rin siguro limitado ang nagagawa nito. Ito rin ang dahilan kung bakit sa kasalukuyan ay gusto na itong gawing isang pormal na organisasyon na may mga mas mahihigpit na polisiya at panuntunan.

Ngunit ito nga lang kaya ang problema ng ASEAN?

Baka dapat din nitong suriin kung una, ramdam ba ng mga ordinaryong mamamayan ng mga kasaping bansa ang presensya ng grupong ito? Pangalawa, nagiging epektibong kalahok ba sa mga proseso nito ang ordinaryong tao at mga lokal na organisasyon?

Pangatlo, ano ba ang prayoridad ng ASEAN? Tampok ba rito ang usapin ng karapatang pantao na pangunahing dapat palakasin sa rehiyon sa gitna ng giyera kontra-terorismo at sa pagkukumahog ng World Trade Organization (WTO) na buksan ang ekonomiya ng mga bansa rito.

Sa mga rehiyon sa mundo, huling-huli na ang Timog Silangang Asya sa pagkilala at paglalagay ng mga mekanismo para sa karapatang pantao, at krusyal ang papel ng ASEAN sa hamong ito.

Ang mga ’non-government organizations’ o NGOs ay meron nang sinimulan sa pagbuo ng deklarasyon sa karapatang pantao para sa rehiyon sa pamamagitan ng Working Group on ASEAN Declaration of Human Rights.

Tungkulin ng mga gobyerno ng ASEAN na sabayan ang inisyatibang ito sa pamamagitan ng una, pagrebyu sa ginawa ng mga NGOs at tingnan kung paano ito maisasama sa binubuong ASEAN charter; at pangalawa, simulan din ang pormal na proseso ng pagbuo at pagpapatibay ng ASEAN Declaration of Human Rights.

Kasama ito sa responsibilidad ng mga bansang pumirma sa mga internasyunal na kasunduan sa karapatang pantao.

In this issue:

Download the Human Rights Forum October – December 2006.

Leave a Comment Using Facebook