by Ian Deleyus

Nitong Setyembre 13 hanggang Oktubre 8 ay ginanap ang ika-48 sesyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC). Isa sa mga napag-usapan dito ay ang patungkol sa teknikal na kooperasyon at capacity-building para sa promosyon at proteksyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Pero bago ang lahat, ano nga ba ang UNHRC at ang kasaysayan nito?

Ano ang United Nations Human Rights Council (UNHRC)?

Ang UNHRC ay pangkat ng 47 na bansang miyembro ng United Nations na nakatutok sa promosyon, proteksyon, at pagtataguyod ng lahat ng karapatang pantao sa buong mundo.

Nagdaraos ito ng tatlong sesyon kada taon, tuwing Marso, Hunyo at Setyembre. Bawat sesyon ay maaaring magtagal ng tatlo o apat na linggo upang mabusising matalakay ang mga isyung pang-karapatang pantao na nangangailangan ng atensyon.

Ang mga sesyong ito ay naisasagawa sa tanggapan ng United Nations sa Geneva, Switzerland.

Maikling Kasaysayan ng UNHRC

Binuo ang konseho noong ika-15 ng Marso taong 2006 at ginanap ang pinakaunang sesyon noong 19 hanggang 30 ng Hunyo 2006. Sa pagkakatatag nito, agarang pinagtibay ang isang institution-building package na nagsisilbing gabay sa pagbuo ng mga angkop na proseso at mekanismong kakailanganin ng konseho.

Una ay ang mekanismong Universal Periodic Review, upang regular na matukoy at mapag-usapan ang mga sitwasyong pangkarapatang pantao ng mga miyembrong pamahalaan.

Ikalawa ay ang Advisory Committee, na nagsisilbing think tank ng konseho na siyang nagbibigay ng mga abiso at rekomendasyong angkop sa mga isyu ng bawat bansa.

At ang ikatlo ay ang Complaint Procedure na nagbibigay plataporma sa mga indibidwal at organisasyong maihain ang mga partikular na paglabag sa karapatang pantao upang mabigyang-atensyon ng konseho.

Ano ang mga Pinag-usapan sa ika-48 na Sesyon ng UNHRC?

Ginanap ang ika-48 sesyon nitong Setyembre 13 hanggang Oktubre 8. Mga tunggalian ng ilang mga bansa at Hustisyang Pangkalikasan o Environmental Justice ang dalawa sa mga pangunahing temang pangkarapatang pantao na tinalakay. Nagkaroon din ng pagtutok sa mga country-specific developments sa bansang Afghanistan, China, Burundi, Egypt, at iba pa.

Sa pangunguna ng High Commissioner na si Michelle Bachelet, inilapag ang oral updates patungkol sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas. Nakatutok sa teknikal na kooperasyon at capacity-building para sa promosyon at proteksyon ng karapatang pantao sa bansa ang update ni Bachelet. Ayon sa kanya, bumubuo na sila ng isang three-year United Nations joint programme at nagkaroon na raw ng mga pangunang hakbangin upang panagutin ang mga kawani ng pamahalaan na lumabag sa mga karapatang pantao. 

Dagdag pa, sinimulan na rin daw ang pagbuo ng mga disciplinary and accountability mechanisms kung patungkol naman sa mga reporma sa kapulisan. Ngunit, sa kabila ng mga hakbang na ito, nakababahala pa rin ang mga lumalala’t patuloy na mga ulat ng paglabag ayon kay Bachelet. Kabilang dito ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga napapaslang sa ilalim ng kampanyang kontra-droga at kontra-terorismo ng kasalukuyang pamahalaan. Idiniin niya na nasa matinding panganib pa rin ang maraming human rights defenders (HRDs), kasama ang mga environmental defenders, mamamahayag, aktibista, mga kasapi ng simbahan at humanitarian workers, dahil sa matinding na red-tagging, o pag-aakusa sa mga indibidwal bilang mga komunista, na nagbibigay-katwiran sa mga pag-atake sa kanila.  

At bilang panapos ng kaniyang ulat, nanawagan si Bachelet na isantabi na ang madudumi at mapanirang mga retorika na laban sa mga human rights defenders, na umaatake sa independiyenteng midya, at nagpapalampas sa mga extra-judicial killings at iba pang abuso’t paglabag. Ayon pa rin kay Bachelet, marapat lamang na siguruhin ng gobyerno ang pangangalaga sa malaya, ligtas, at demokratikong mga espasyo para sa lahat ng mamamayan lalo pa’t paparating na ang taon ng eleksyon sa bansa.

Patuloy ang Kampanya para sa Biktima at Pamilyang Naiwan

Malugod mang tinanggap ang tugon ng UNHRC na technical assistance, tila kapos ito sa pangangailangan ng sitwasyon ayon sa mga organisasyong pang-karapatang pantao at mga grupong civil society

Upang maiparating pang higit ang panawagan patungkol sa pagtugon sa krisis ng karapatang pantao sa Pilipinas, naglunsad ang Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at mga katuwang na organisasyon ng mga side event na nagpatingkad pang lalo sa tunay na kalagayan ng bansa, partikular sa usapin ng malawakang paglabag ng mga karapatan kaugnay ng kampanya laban sa iligal na droga at ang pagpapaigting ng panggigipit sa mga HRDs.

Pangunahing layunin ng mga presentasyon ang pagpaparating sa mga kasaping bansa ng UNHRC na kinakailangan ng mas komprehensibong pagtugon ang sitwasyon sa Pilipinas, katulad ng pagtatatag ng isang  independiyenteng imbestigasyon at/o Commission of Inquiry, upang mabigyang linaw ang maraming kaso ng paglabag sa mga nagdaang taon.

Ang unang side event na pinamagatang “Rise Against Reprisals: An Online Forum on the Situation of Human Rights Defenders in the Philippines” ay pinangunahan ng nina Ellecer Carlos, Secretary-General ng PAHRA; Fr. Christian Buenafe, O.Carm, Chairperson ng Task Force Detainees of the Philippines; Rep. Amihilda Sangcopan, representante ng Anak Mindanao Partylist; at Atty. Gilbert Andres, Deputy Executive Director ng Center for International Law Philippines.

Sa diskusyong naganap, ipinarating sa mga dumalo ang iba’t ibang dimensyon ng panggigipit na dinaranas ng mga HRDs, atkibista, kasapi ng mga progresibong organisasyon, mga Moro, katutubo, at iba pang marhinalisadong grupo sa ilalim ng pamumuno ng administrasyong Duterte.

“The human rights community in the Philippines is under attack” (Inaatake ang mga pang-karapatang pantaong komunidad sa ating bansa) ang pambungad na pahayag ni Fr. Christian Buenafe ng TFDP. Mula dito, mabusisi niyang inilahad ang mga nadokumentong paglabag, pagpaslang, at pag-abuso sa mga human rights defenders sa bansa na mistulang lumala pa simula noong inilapag sa Kongreso ang Anti-Terrorism Act of 2020 o Anti-Terror Law kung tawagin. 

Diin pa ni Fr. Buenafe, “Killings are happening by the day, whether it’s a war on drugs or a war on terror” (Giyera kontra-droga man o kontra-terorismo, araw-araw nangyayari ang mga pagpatay), bilang pagsusuma sa kaniyang presentasyon. Bilang panapos, malinaw na ipinadama ni Fr. Buenafe ang mariing pagtutol sa Anti-Terror Law, at ang panawagan na buksan ng gobyerno ang sarili nito para sa kapanagutan at imbestigasyon.

“When I speak about human rights, it is as if I’m chewing a blade in my mouth” (Para akong ngumunguya ng patalim sa tuwing nagkukuwento ako tungkol sa karapatang pantao.).Ganito ang pagsasalarawan ni Rep. Amihilda Sangcopan ng Anak Mindanao Partylist nang kaniyang ikuwento ang madudugo at mararahas na balitang kanilang naidokumento ukol sa karanasan ng mga Moro at katutubo. Ayon sa kaniya, ang mga Moro at Lumad ang una’t pangunahing biktima ng tunay na terorismo hindi lang dito sa bansa, kun‘di pati na rin sa buong mundo. Patuloy ang diskriminasyon at ‘di makatarungang panghuhusga sa mga kapatid nating mga Muslim at Moro na siyang nagiging ugat ng maraming paglabag sa karapatang pantao. Idiniin ni Rep. Sangcopan na ang isinasabatas na Anti-Terror Law ay walang ibang idudulot kun’di ang pagpapalala ng pag-atake’t karahasan sa lahat ng mamamayan.

Panoorin ang “Rise Against Reprisals” na side event

 

Ang ikalawang side event ay ginanap nitong Oktubre 7 na pinamagatan namang “The Killing State: Confronting the Normalization of State Violence in the Philippines.” Ito naman ay pinangunahan nina Prof. Nymia Pimentel-Simbulan, Executive Director ng Philippine Human Rights Information Center (PhilRights) at Ms. Rowena Legaspi, Executive Director ng Children’s Legal Rights and Development Center (CLRDC).

Binigyang-diin ng dalawa ang malawakan at sistematikong paglabag na patuloy pa ring nagaganap kaugnay ng mga kampanya laban sa iligal na droga at kampanya laban sa terorismo, lalo na sa mga maralitang tagalunsod, mga bata, at iba pang marhinalisadong grupo.

“The so-called war on drugs is a war against the poor” (Giyera laban sa mahihirap ang giyera kontra-droga) ang unang idiniin ni Prof. Nymia Symbulan ng PhilRights nang kaniyang ilahad ang pinakabagong pananaliksik at dokumentasyon ng institusyon sa 180 biktima ng extrajudicial killings (EJKs). Dagdag pa niya, 12 na kaso lamang mula sa 180 kasong nadokumento ang may indikasyon ng pag-iimbestiga  ng pulisya—senyales ng matinding pagkabigo ng Estado sa paniniguro ng due process at proteksyon laban sa pang-aabuso ng puwersang kapulisan.

Sa huli, idiniin ni Prof. Simbulan na “We are in a human rights crisis, one that has caused and is continuing to cause suffering and will have manifold impacts in the years to come.” (Tayo ay nakapaloob sa isang pang-karapatang pantaong krisis na nagbibigay-dusa sa ating lahat at patuloy na makakaapekto sa mga susunod pang taon) Bilang pangwakas, binasa ni Prof. Simbulan ang ilang liham mula sa mga pamilyang naiwan ng mga biktima ng EJK. Nilalaman ng mga liham na ito ang kahilingan at panawagan na magsagawa ang UNHRC ng imbestigasyon sa mga nangyaring pagpaslang at pang-aabuso sa kanilang mga mahal sa buhay.

“Duterte’s legacy in the drug war’s kill policy: families in mourning, seeking justice” (Mga pamilyang nagluluksa at naghahanap ng hustisya—ito ang pamana ng giyera kontra-droga ni Duterte) ang pambungad na pahayag ni Ms. Rowena Legaspi ng CLRDC nang kaniyang talakayin ang “legacy” ng kasalukuyang administrasyon. Ayon sa kaniya, 150 na batang wala pang 18 na taong-gulang na ang napaslang sa ilalim ng giyera kontra-droga. Inilahad rin ni Ms. Rowena ang matinding takot at trauma na patuloy na nararanasan ng mga kabataang kanilang nakapanayam at sinusuportahan. Naging “selective,” ‘ika niya, ang kasalukuyang pamahalaan sa pagprotekta ng kinabukasan, dahil matatandaang sinabi ng Pangulo sa isang pahayag na ang giyera kontra-droga ay para raw maprotektahan ang kabataan.

Ayon pa kay Ms. Legaspi, “We are not only in a COVID-19 pandemic, we are also in the midst of a death squad pandemic,” (Hindi lang tayo nakapaloob sa pandemya ng COVID-19, kun’di nakapaloob din tayo sa isang pandemya ng mga death squad) dahil sa patuloy na pagpaslang sa mga mahihirap kahit sa panahon ng pandemya. Sa huli, idiniin niya ang aktibong pagsuporta at pagpanawagan rin sa UNHRC na magsaggawa na ng independiyenteng imbestigasyon sa sitwasyong pang-karapatang pantao sa bansa. 

Sa parehong pagkakataon, aktibong nakilahok ang mga pamilya ng mga biktima ng paglabag at mga katuwang na komunidad sa livestream na isinagawa sa Facebook at YouTube. Naging bahagi rin ng programa noong Oktubre 7, ang pagpaparating ng mga mensahe’t panawagan ng ilang pamilya ng mga biktima para sa mga kinatawan ng kasaping bansa ng UNHRC.

Bagama’t natapos na ang ika-48 na sesyon ng UNHRC, patuloy pa rin ang kampanya ng iba’t ibang grupo at mga kaugnayang biktima at pamilya upang manawagan ng pananagutan sa mga nanlabag ng kanilang mga karapatan at igiit ang minimithing hustisya.

Panoorin ang “The Killing State” na side event

Leave a Comment Using Facebook