by PhilRights Staff
Kamakailan, naganap ang pagpaslang sa 17-anyos na si Jemboy Baltazar noong ika-2 ng Agosto sa Navotas City at sa 15-anyos na si John Frances Ompad noong ika-20 ng Agosto sa Rodriguez, Rizal. Kinapanayam ng PhilRights ang tatlong human rights defenders na kabilang sa mga nagmo-monitor sa sitwasyon ng karapatang pantao sa kanilang lugar mula nang ipatupad ni Rodrigo Duterte ang sinasabing “Giyera Kontra-Droga.” Ang mga pangalan ng ininterbyu ay binago para pangalagaan ang kanilang seguridad.
Kaugnay ng nangyaring EJK kamakailan sa mga menor de edad na sina Jemboy Baltazar at John Frances Ompad, ano ang masasabi mo at kumusta ang sitwasyon sa iyong komunidad sa kasalukuyan?
Luna: “Noong nakita ko na ang mga larawan ng biktima sa social media, nakakapangilabot. Nakakapangilabot na nagpapatuloy ’yung mga ganitong patayan samantalang fishing community doon at naghahanapbuhay lang ang mga tao. Wala na silang [mga pulis] pakundangan, kung sino na lang babarilin nila.”
Melissa: “Siguro sa kanila Jemboy may nagmamanman pa rin… Hindi ko masasabi kung ano talaga ang sitwasyon dito kumpara kina Jemboy… pero sa ngayon tahimik naman.”
Belle: “Malaking problema sa komunidad ’yung dumadami ’yung menor de edad na biktima ng karahasan ng kapulisan sa War on Drugs lalo na sa mga kabataan na hindi nabibigyan ng tamang direksyon. Dahil sa kahirapan ng buhay, hindi sila makapag-aral dahil kulang ang kabuhayan ng magulang kaya nadadagdagan ang mga biktima na menor de edad. Kasama na dito ’yung natututo silang gumawa ng iligal dahil sa kahirapan at dahil kulang ’yung tulong na binibigay ng gobyerno natin sa mahihirap.”
Ang banggit ng mga pulis sa mga operasyon ay isang kaso ng “mistaken identity” ang nangyari kina Jemboy at John Frances. Sa inyong palagay ay bakit ito nangyayari?
Luna: “Palusot na lang nila ’yun. Kasi alam naman na dati na pumapatay sila kasi kailangan nilang maabot ’yung quota nila. Ang dahilan nila kung bakit nila nagawa ’yun ay hindi na bago kasi may ganyan din sa ibang parte ng Navotas. Ang kaibahan nga lang ay buhay kasi nakatalon. Ganyan na ganyan din, sa dagat pinaputukan.”
Melissa: “Kaya nasasabi nilang mistaken identity dahil may asset sila na walang maituro na nagtutulak ng drugs. Kaya imbes na i-risk niya ‘yung sarili niya, magtuturo siya ng ibang tao na wala namang kinalaman… Hindi naman sinisiyasat ng mga pulis na umiikot kung ’yun ba talaga ang pakay nila. Basta ituro sa kanila, bigyan sila ng picture, itutumba na nila on the spot. Hindi na muna klaruhin sa tao kung siya ba ’yun, kung ’yung mukha ba niya ’yung nasa picture.”
Belle: “Hindi mo masasabi kung mistaken identity lang, dahil marami po sa nakukuwento sa amin at sa mga pamilya ay lagi rin itong nangyayari. Sadya itong mistaken identity, kumbaga sinasabi ng ilang kapulisan na may quota sila na kailangang gawin… Kapag naka-quota sila, doon tataas ’yung ranggo o katungkulan ng isang pulis kaya kahit hindi siya gumagamit o nagbebenta, isang normal na tao kumbaga, ay nadadamay. Hindi siya mistaken identity lang. Minsan madaanan lang, nakahubad lang.”
Maraming police protocols ang hindi sinunod katulad ng hindi pagsuot ng body camera at paggamit ng dahas, may katulad din bang insidente ang nasaksihan mo?
Luna: “Communicated sa amin ’yung insidente na may bumibili lang sa tindahan. May phobia na ’yung taong iyon dahil nakaranas ng pambubugbog ng pulis. Noong nakita niya ’yung pulis, tumakbo. ’Yung mga pulis naman, humabol. Tumalon sa ilog ’yung tao dahil sa sobrang takot. Pinapatukan ng pulis, walang pakundangan ’yung pulis na kahit may nakita silang bata doon sa ilog na lumalangoy. Parehong nagtago ang bata. At ’yung batang pinaputukan, lumangoy at nakaabot ng Malabon. Tapos ’yung isang bata matagal na nagtago sa isang balsa. Ganu’n kalala ang ginagawa nila tapos ang katwiran lang ay ‘Hindi, kine-clearing lang namin itong eskinita n’yo!’ E kung may namatay? Collateral damage lang o sasabihin hindi sinasadya.”
Melissa: “Noong kasagsagan ng EJK (ni Duterte), hindi pa nauuso ang body camera sa mga pulis pero ’yung ginagawa kasi nila na warning shot, hindi totoo. Kasi kung nag-warning shot, bakit mismong sa tubig itinutok pagtalon ng bata?”
Belle: “Nasaksihan ng ating community monitor sa isang lugar dito sa Rizal [ang isang insidente], hindi siya mistaken identity kasi pinasok talaga ’yung bahay niya. Ikinulong siya nang ilang buwan. Tapos tumawag ’yung pulis at sinabing namatay daw sa kulungan. Kasi pandemic ito nangyari, hindi man lang pinakita sa pamilya o pinalapit doon sa tatay dahil nga pandemic daw. Ang pinakita lang ay picture lang at nakita na hindi simpleng namatay lang kundi merong pumatay at may nakitang sugat sa tagiliran ng kamag-anak nila. At hindi man lang pinatawan ng warrant of arrest at sinaktan pa ’yung kanilang kaanak na namatay sa kulungan. Sinabi na namatay sa sakit. Hindi man lang tinulungan ’yung pamilya na makamit ’yung hustisya o ipa-autopsy ’yung katawan para malaman kung ano ba talaga ang ikinamatay.”
Saad ng forensic pathologist na si Raquel Fortun ay dinalaw siya ng pulis Navotas hinggil kay Jemboy. May katulad din bang insidente ng intimidasyon kayong nasaksihan?
Luna: “May isang insidente na kumakain lang siya at may hinahanap ang mga pulis. Nu’ng hindi makita ang hinahanap, siya na ’yung inimbitahan. May isang case din na inimbitahan lang at dahil hindi makita ’yung target na kapatid niya, siya na ’yung inimbitahan. Ginising pa nila ’yung tao at may itatanong lang daw. Tapos ’yun, inaresto na. Hindi na pinakawalan. Binugbog muna bago ikulong. Piniktyuran na. Matindi talaga ang intimidasyon ng mga pulis to the point na huwag ka nang lumaban kasi masasaktan ka lang, mapapahamak ka lang. Mga ganu’n ’yung mga pananakot ng mga pulis. Kung wala kang lakas ng loob na sumagot ay aayon ka na lang. Either makukulong ka o mapapahamak ka talaga.”
Belle: “Talagang intimidasyon dahil hindi sila makikipag-usap nang maayos. Biglang magugulat na lang ’yung may-ari ng bahay na pinasok ’yung bahay nila. Biglang kinapkapan sila at dinala ’yung mga gamit. Tapos tinatakot sila kung magsasalita. Kaya noong huli na maidodocument sana namin ay hindi na dahil nabalitaan namin na binalikan. Hindi na po ako tumuloy dahil paulit-ulit ’yung pangyayaring iyon. Binabalikan tapos pinipilit na umamin. Meron pang isa na naglalaro lang ng bilyar tapos bigla na lang siyang pinosasan. Sa rooftop siya dinala tapos may nakuha umano sa kanya. Dinetain siya. Kinagabihan, tinortyur siya, sinaktan siya at heto ang malala, pinakain siya ng dumi ng aso dahil pinipilit siyang umamin sa nakuha umano sa kanya.”
Kung maikukumpara n’yo sa panahon ng panunungkulan ni Duterte at sa unang taon ni BBM, sa tingin n’yo ba ay may nagbago sa usapin ng sinasabing “War on Drugs”?
Luna: “Kung titingnan natin sa mababaw na pagtingin, sasabihin natin na may nagbago. Kasi ang atake ngayon ng administrasyon, malumanay. Malumanay na mapanlinlang at tago pero sa esensya, ganoon pa rin. Wala pa ring nagbago. Nilalaro ng BBM administration ’yung sitwasyon, ’yung mga Pilipino. Sinasabi nila na wala nang tokhang pero ang ginagawa naman nila, huli-huli, palit-ulo, huli tapos kapag medyo panatag na ’yung mga tao akala nila, diyan sila aatake. Tapos magdadahilan ng kung ano-ano. Ang masaklap pa rito, ’yung victim blaming na kapag may pinatay, ang sasabihin, ‘Ay hindi, onsehan lang ’yan!’ Pero alam ng komunidad na sila mismo ang may hawak nu’n, sila mismo ang nagpapatay nu’n.”
Melissa: “Dito po sa lugar namin, mas marami ang huli na lang kaysa pinapatay. Noong kasagsagan kasi ni Duterte dito sa amin, kapag walang sumunod na kamag-anak ng hinuli, todas. Ngayon kahit hindi nila sundan, kapag pinuntahan sa detention, makikita nila na safe pa ’yung tao. Hindi katulad dati na oras lang ang bibilangin mo. May insidente kasi dati kasama ang kapatid ko na pito sila, sa lamay. Pito po sila na nahuli. Lima lang ang sumunod na kamag-anak. Kinabukasan, ’yung dalawa, nakita nang patay sa sementeryo ng Navotas… Hindi nagbago pero medyo kumonti. Kumonti siya kumpara sa kasagsagan ni Duterte na araw lang ang pagitan dito sa lugar namin, may namamatay talaga… Siguro kung may insidente sa isang buwan, dalawang beses na lang.”
Belle: “May nagbago, pero ang pagbabago ay yung estilo lang kung paano sila kukuha ng biktima na alam lamang nilang inosente. Kasi ’yung kay Duterte, hayagan yung pagpatay o paghuli sa bawat barangay. Sa panahon ni BBM, painosente siya kasi hindi nababanggit sa mga speech. Pero kahit hindi nababanggit, marami tayong nakakalap. At sa media ngayon, wala silang sinasabi masyado tungkol sa War on Drugs at kung ano ang ginagawa ng mga pulis sa mamamayan. Mas patago siya, kasi noon kay Duterte, alam ng tao dahil may community at may lead sa barangay. Ngayon magugulat na lang ’yung iba kasi kahit alam na nagsabi na pero binabalik-balikan pa sila. Ang masaklap pa dito, nakasibilyan sila.”
Ano’ng kailangang gawin para hindi mangyari ang mga ganitong inhustisya?
Luna: “Kailangan ng justice-claiming. Panagutan ’yung nangyari sa nakaraang administrasyon at ibulgar ang mapanlinlang na administrasyon ni BBM kasi nga halos hindi na masyadong nababalita ’yung mga patayan. Kung may mabalita man, iilang cases lang. Tulad nitong kay Jemboy, naging maingay sa social media. Kapag may nangyayaring ganyan, kailangang mag-ingay para mahubadan natin ’yung sinasabi nilang mas payapa at tahimik ngayon kasi hindi siya totoo. Patuloy at patuloy pa rin ’yung nangyayaring patayan, iba’t ibang porma na ng intimidasyon at pang-aabuso ang ginagawa kaso hindi nga lang nalalantad. Ipakita natin kung ano ang totoong nangyayari… Nagbago lang ng estilo pero sa esensya, patayan pa rin, inhustiya pa rin, at hindi makatao ang ginagawa nila.”
Melisa: “I-orient ang mga pulis, ’yung mga nasa katungkulan. Kung anong nakapaloob na rules at protocols ng pulis mas palalimin pa dahil human rights ang ipinaglalaban tsaka buhay kasi ’yung nakataya. Dapat sila ’yung nangangalaga, pero baligtad, sila pa ’yung kumikitil ng buhay ng tao. Imbes na sila ’yung magpoproteksyon sa atin, sila pa ’yung mas naglalagay sa atin sa alanganin. Kaya hindi mo rin masisisi ’yung iba na kapag nakakita ng pulis ay imbes na pagkatiwalaan ay pagdududahan na lang.”
Belle: “Kailangang matiyak ang kaligtasan ng komunidad, ang seguridad ng komunidad. Turuan sila ng karapatang pantao dahil sa mga nangyayari sa War on Drugs at sari-saring isyu na kailangan ng pagsasama-sama para iparating sa barangay o gobyerno na dapat sila ang gumagawa ng tama pero nitong nakaraan nga, noong panahon ni Duterte at ngayong panahon ni Marcos, walang hustisyang nangyayari. Lalong lumalala ’yung sitwasyon. Sa sobrang takot nila, hindi na sila naghahayag ng inhustisya kundi mananahimik na lang. Para mas ligtas sila, dapat isiwalat nila ang mga nangyayari at may layunin silang nilalahukan upang may posibilidad na baguhin ang sitwasyon. Kailangang magkaroon ng programa sa bawat barangay, meron dapat programang makakatulong sa bawat kabataan, magturo ng mga tamang gawain, orientation o training.”
Sa mga nabanggit sa panayam, malinaw na hindi naaayon sa batas ang ginagawang pang-aabuso at karahasan ng mga pulis sa kanilang komunidad. Hindi lamang mga menor de edad ang nabibiktima, kundi pati na rin ang mga inosenteng tao na walang kinalaman sa ilegal na droga. Ang mga pulis ay hindi rin pinapapanagutan sa kanilang mga aksyon, at ang mga biktima ay walang hustisyang nakakamit. Sa ganitong kultura ng impunidad, mahalaga na magkaroon ng accountability at transparency sa mga tagapagpatupad ng batas upang maprotektahan ang karapatan ng mga mamamayan.
Kabilang ang PhilRights sa lumalawak na bilang ng organisasyong sumusuporta sa mga biktima ng karahasan ng estado. Layunin ng human rights defenders na itaguyod ang paghahangad ng hustisya at mapakinggan ang kanilang boses sa lipunan. Kailangan ng mamamayan na magkaisa at manindigan laban sa ganitong uri ng karahasan at pang-aabuso. Dapat na magkaroon ng pagbabago sa sistema ng batas at pagpapatupad nito upang maprotektahan ang karapatang pantao at mapanagot ang mga mapang-abuso sa batas. #\