by Napoleon Santos

Nitong nakaraang taon, umugong ang balitang pitong taon na lamang ang itatagal ng pondo ng Social Security System (SSS) kung ipagpapatuloy nito ang dagdag na Php 1,000 sa benepisyong matatanggap ng mga pensyunado ngayon sanang 2019.  

Ang isyu ay bunga ng pinasang Joint Resolution No. 10 ng Kongreso noong 2017 na nagsasaad ng pagdagdag ng Php 2,000 sa benepisyo ng mga retiradong miyembro ng SSS bilang tugon sa pagtaas ng gastusin at halaga ng bilihin.

Matatandaang sinimulan na noong 2018 ang pagdagdag ng Php 1,000 sa benepisyo para sa mga pensyunado, samantalang ang natitirang Php 1,000 ay ipinangakong sisimulan ngayong taon. Ngunit ngayong Enero, nakiusap ang SSS na ipagpaliban muna ang planong ito dahil sa kawalan ng mekanismong magpopondo sa nasabing pagtaas.

Gaya ng inaasahan, umani ng batikos ang pagpapalibang ito.At habang pinag-uusapan pa rin kung paano ito susolusyunan,  patuloy na nakalagay sa alanganin ang social insurance ng mga miyembro habang kinakaharap ng mga pensyunado ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Dahil sa mainit na usaping ito, marapat lamang nating tutukan ang usapin ng right to social security. Ano nga ba ang karapatang ito? At paano nga ba natin dapat asahang tuparin ng Estado ang obligasyon nitong tugunan ang ating right to social security?

Ano ang Right to Social Security?

Ayon sa General Comment No. 19 ng Committee on Economic, Social and Cultural Rights (CESCR) ng United Nations (UN), ang right to social security ay sumasakop sa karapatan para makamit at mapanatili ang mga benepisyo, ito man ay pera o gamit, nang walang diskriminasyon. Ito ay upang masiguro ang proteksyon laban sa (a) kawalan ng kabuhayan dulot ng karamdaman, kapansanan, pagbubuntis, pinsalang dulot ng trabaho, kawalan ng trabaho, katandaan, o pagkamatay ng miyembro ng pamilya; (b) kawalan ng kakayahang sustentuhan ang gastos pang-kalusugan; at (c) kakulangan ng suporta ng pamilya, partikular para sa mga kabataan at nakatatandang umaasa sa tulong.

Ang right to social security ay nakabatay sa mga pandaigdigang kumbensyon, tratado, at mga pambasang batas. Pangunahin dito ang Artikulo 22 sa Universal Declaration on Human Rights o UDHR na nagsasaad na “[a]ng bawat tao, bilang kasapi ng lipunan, ay may karapatan sa kapanatagang panlipunan…” Nililinaw din ng artikulo na ang karapatang ito ay “lubhang kailangan para sa kanyang karangalan at sa malayang pagpapaunlad ng kanyang pagkatao.”

Isa ang Pilipinas sa mga lumagda sa deklarasyong ito noong 1948, bilang pagsuporta sa isang batayang dokumento na maglalahad ng mga hakbang upang masigurong hindi na mauulit ang mga masasamang pangyayaring dinulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nilagdaan naman noong 1966, at niratipika noong 1974 ng Pilipinas, ang International Convention on Economic, Social and Cultural Rights  o ICESCR. Nakasaad sa Artikulo 9 ang pagkilala ng mga kasaling estado sa kasunduan sa right to social security, kabilang na ang segurong panlipunan o social insurance.

Ang right to social security ay hindi lamang para sa mga pensyunado. Ginagawaran din ng karapatang ito ang mga bata, ayon naman sa unang talata ng Artikulo 26 ng Convention on the Rights of the Child o CRC na niratipika ng Pilipinas noong 1990. Kinikilala rin ang karapatang ito para sa mga kababaihan, partikular sa Artikulo 11 at 14 ng Convention on the Elimination of all Forms of Discrimination Against Women o CEDAW na niratipika naman ng bansa noong 1981.

Sa pambansang antas, ginagarantiya din ng ating Saligang Batas ang karapatang ito. Bagamat walang ispesipikong bahagi sa ating kasalukuyang Saligang Batas na pumapatungkol sa karapatang ito, ito ay implikado at pinagtitibay ng Artikulo XIII (Hustisyang Panlipunan at Karapatang Pantao) (). Ilang mga batas na rin ang ginawa at inamyendahan upang tumugon sa karapatang ito.

Paano tinutugunan ng Estado ang Right to Social Security?

Ang Batas Republika (R.A.) 8282 o ang Social Security Act of 1997 ay  naglalayong amyendahan ang naunang batas ng bansa ukol sa right to social security—ang R.A. 1161 o ang Social Security Law na ipinasa sa panunungkulan ni dating Presidente Manuel Roxas.

Inaatasan ng dalawang batas na ito ang pamahalaan na gumawa, magpaunlad,at magsulong ng isang mahusay at matatag na hindi binubuwisang sistema ng social insurance na naaayon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa pamamagitan ng R.A. 1161 at R.A. 8282, ang Social Security System (SSS) ay binuo upang makapagseguro ng provident fund para sa mga miyembro nito. Ang pondong ito ay binubuo ng mga boluntaryong kontribusyon at bahagi ng kita ng mga kawani at/o employer, self-employed at mga boluntaryong miyembro.

Ang bawat miyembro ay makatatanggap ng benepisyong pang-retirado (maaaring buwanan o lump sum) base sa kita o sweldo, credited year of service (CYS), at kontribusyon. Sa buwanang pensyon, makatatanggap ang retiradong miyembro na mayroong edad 60 pataas at naghulog ng kontribusyon nang hindi bababa sa 120 buwan o sampung taon ng Php 300 at 20% ng karaniwang buwanang sweldo at 2% ng karaniwang buwanang sweldo sa bawat CYS na lalagpas sa sampung taon, 40% ng karaniwan buwanang sweldo o Php 1,200 kung ang CYS ay sampu hanggang dalawampung taon o Php 2,400 kung ang CYS ay dalawampung taon o higit pa.  

Maaari ring buo o lump sum ang makuhang pensyon kung hindi inabot nang 120 buwan ang paghuhulog ng kontribusyon. Maliban sa pang-retiradong pensyon, mayroon ding pensyon ang mga benepisyaryong naiwan ng namatay na miyembro (death benefits) at ang mga nagkaroon ng kapansanan (permanent disability benefits). Mayroon ding benepisyo para sa pagpapalibing (funeral benefits), para sa nagkasakit (sickness benefits) at nanganak (maternity leave benefits).

Sa ilalim naman ng R.A. 8291 o The Government Service Insurance System Act of 1997, naamyendahan, napalawak, at naitaas ang saklaw at benepisyo ng mga kawani ng pamahalaan na naghuhulog ng kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS) mula sa sinundang Atas ng Pangulo (P.D) 1146.

Tulad ng R.A. 8282, ang R.A. 8291 ay nagkakaloob ng benepisyo sa mga retiradong miyembro (retirement benefit) na maaaring kunin nang buo o lump sum na katumbas ng 60 beses ng pangunahing buwanang pensyon. Bukod dito, ito rin aymay kasamang old age pension, o kabayarang pera na katumbas ng pangunahing buwanang pensyon sa loob ng 18 buwan at may kasama pang panghabambuhay na buwanang pensyon. Mayroong ring benepisyo para sa mga umalis o tinanggal sa serbisyo (separation benefits), miyembro na nagkakapansanan (permanent disability benefits at temporary disability benefits), benepisyaryong naiwan ng namatay na miyembro (survivorship benefits) at pagpapalibing (funeral benefits). Kaakibat din ng pagiging miyembro, maliban sa mga militar at pulis, ang life insurance benefits.

Bilang karagdagan, nariyan din ang R.A. 7875 o ang National Health Insurance Act of 1995 na inamyendahan ng R.A. 10606 na siyang nagtatag sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang korporasyon ng pamahalaan na nagtitityak ng sustenableng health insurance para sa lahat ng Pilipino. Ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund naman ay siyang mekanismo ng pamahalaan para sa pagpapautang ng pondo tungo sa pagpapatayo at pagpapagawa ng bahay at agarang ayudaa mga miyembrong nasalanta ng kalamidad.

Nararapat umangkop ang sistema ng social security sa mga demograpiko, ekonomiko at panlipunang salik

Natatamasa ba natin ang right to social security?

Ayon muli sa General Comment No. 19 ng CESCR ng UN, may apat na elementong dapat taglay upang masabing natatamasa natin ang right to social security. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

Availability. Kailangan sa implementasyon ang isang sistemang nakalatag upang makamtan ng mamamayan ang mga benepisyong siyang magiging sandigan sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari.

Adequacy. Susi sa pagsasakatuparan ng right to social security ang sapat na benepisyo, ito man ay salapi o hindi, upang ang lahat ay makamtan ang proteksyon at pangangalaga na makatutulong sa pag-abot ng makataong pamantayan ng buhay at kalusugan.

Affordability. Marapat sikapin ng Estado na ang sistemang social security, kung may kontribusyong kinakailangan, ay abot sa makakaya ng mga miyembro nito. Dapat ding malinaw sa bawat miyembro ang mga gastusin at dapat bayaran. Bukod pa rito, hindi rin dapat maging balakid ang kontribusyon sa pagkamit ng iba pang economic, social at cultural rights.

Accessibility. Ang lahat ay dapat maproteksyunan ng sistemang social security, lalo na ang mga indibidwal na pinakanangangailangan nito nang walang kahit na anong uri ng diskriminasyon batay sa kalusugan, etnisidad, lahi, kasarian, sekswalidad, kapansanan, wika, relihiyon, nasyunalidad, kita, o estadong panlipunan.

Masasabing komprehensibo ang sistemang social security kung napapanatili nito ang apat na nabanggit na elemento. Ikalawa, nararapat ding umangkop ang sistema sa mga demograpiko, ekonomiko at panlipunang salik. Halimbawa nito ay ang edad ng pagreretiro na dapat umangkop sa mga kasaysayan ng paghahanapbuhay at kakayahang maghanapbuhay ng matatanda sa isang bansa.

Samakatuwid, ang apat na elementong ito ang ginagamit sa pagsusuri kung sapat at akma nga ba ang pagtugon ng Estado sa right to social security. 

Sapat at akma nga ba ang pagtugon sa Right to Social Security ng ating Estado?

Ayon sa inilabas na taunang datos ng SSS noong 2017, 15,287,000 ng mga Pilipino ay aktibong naghuhulog ng kontribusyon sa SSS. Ang bilang na ito ay 35.74% ng kabuuan ng lakas-paggawa ng bansa.  Karamihan (72.85%) sa kanila ay mga kawani o empleyado habang 15.41% ay mga boluntaryong miyembro. Sinundan naman ito ng mga self-employed (7.44%), OFW (3.83%) at kasambahay (0.46%). Bagamat mas mataas ito nang 54.97% kaysa sa bilang isang dekada ang nakalilipas, mas mababa ito nang 3.16% sa datos noong 2016.

Samantala, 2016 pa ang huling nailabas na datos ng GSIS ukol sa dami ng aktibong kontribyutor na kawani ng pamahalaan. Sa taong iyon, ang bilang ng mga aktibong kontribyutor ay nasa 1,621,000 o 3.74% ng kabuuang lakas-paggawa. Mas mababa ang bilang na ito nang mahigit 12.5 milyon kaysa sa bilang ng aktibong kontribyutor sa SSS. Kapag pinagsama, ang kabuuang naghuhulog sa SSS at GSIS sa taong 2016 ay 36.41% lamang ng lakas-paggawa.

Ang mababang bahagdan ng naghuhulog sa SSS at GSIS para sa taong 2016 at 2017 ay maaaring mangahulugan na marami ang hindi kayang magbayad ng kontribusyon. Posible ring kulang pa ang pagpapaunawa ng gobyerno sa mga mamamayan sa mga benepisyo at kagalingang maiidulot ng social security. Isa pang posibilidad ay ang kawalan ng pangil ng gobyerno sa pagbabantay sa mga kumpanya at negosyo pagdating sa mga obligasyon ng huli sa paghuhulog ng kontribusyon ng mga empleyado.

Samantala, sa pinakahuling pagtatala, 19.7% lamang ng mga retirado o nasa 60 taong gulang at higit pa ang tumatanggap ng pensyon noong 2017; 15.9% ay galing sa SSS at 3.8% ay galing sa GSIS. Ipinapakita nito na kakaunti lamang mula sa pangkat na ito ang nakatatanggap ng pensyon. Ito ay sa kabila ng pagmamalaki ng SSS na tumaas daw nang 28.4% ang kabayarang benepisyo at ng GSIS na tumaas daw nang Php 5.21 bilyon ang kabuuang ipinamigay na buwanang pensyon sa mga matatanda at paggawad ng Php 382.8 milyon sa mga naulila noong 2017 kumpara sa 2016.

Ang nakapangakong pagtataas naman ng benepisyo na sinimulan noong 2018 sa halagang Php 1,000 ay isasakatuparan na sa 2020 dahil mas pinagtutuunan muna ngayon ng pansin ang pagpapalago sa pondo ng SSS.

Ngunit hindi pa man ito kabuuang naipatutupad, minumungkahi nang magkaroon ng pagtataas sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS. Ito ay matapos maghain ang ilang mga senador at kongresista ng batas na magtataas ng isang bahagdan ang kontribusyon sa bawat dalawang taon hanggang umabot sa 15% ng sweldo ang magiging kontribusyon ng mga miyembro sa 2025 mula sa kasalukuyang 11%. Sa puntong ito, kapag tinuloy ang pagtataas ng kontribusyon, mawawalan ng saysay ang pagtaas sa pensyon lalo na’t patuloy pa rin ang pagtaas ng bilihin.

Nakadaragdag din ang patuloy na paglabag ng mga employer sa karapatan ng mga mangggagawa. Aminado ang SSS na may mga delinkwenteng employer na hindi naghuhulog ng kontribusyon (http://www.manilastandard.net/news/national/276337/sss-warns-delinquent-employers.html). Nasa 7,000 na ang natukoy na delinkwenteng employer mula noong Marso 2018.

Sa usapin ng health insurance, 93% ng populasyon ang protektado ng National Health Insurance Program ng PhilHealth noong 2017. Dalawang puntos ito na mas mataas kaysa sa sinundang taon. Sa taong iyon, halos 50 milyon na ang rehistradong miyembro ng korporasyon habang halos nasa 97 milyon ang kabuuang dami ng benepisyaryo. Sa kasamaang palad, nanganganib na mapagkaitan ng karapatan sa health insurance ang mga miyembro. Ayon sa pagsusuri ng Comission on Audit (COA) sa PhilHealth noong 2017, lumalabas na nasa hindi kaaya-ayang estadong pinansyal ang institusyon dahil sa palpak na pangangasiwa at paggamit ng pondo.

Kung susuriin ang mga numero at pangyayari sa usapin ng kontribusyon at mga benepisyo, nananatiling marami at malaki pa rin ang mga sagka upang ganap na matamo ng mga mamamayang Pilipino ang right to social security.  

Pagsusuma: Pagkamit ng Right to Social Security

Ang Estado ay mayroong tungkulin na siguraduhing ganap na natatamo ng mga mamamayan ang right to social security. Obligasyon ng Estado na pag-ibayuhin pa ang akses ng mga mamamayan sa mga serbisyong katulad nito at mapalaki ang benepisyo nang sustenable at nang hindi ibinabalik sa mga ordinaryong tao ang bigat ng pagpapanatili ng pondo.

Mabilis din dapat ang pag-angkop ng mga benepisyo sa mga kasalukuyang balakid upang maisakatuparan ang layon ng social security na mapabuti ang buhay ng lahat ng tao at masigurong mabubuhay ang lahat nang may dignidad. Mas maigting ang pangangailangang makamit ito lalo na’t pabilis na nang pabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na malaking dagok para sa mga pensyunado.

Gayundin, marapat na malinis at walang kurapsyon ang pangangasiwa sa mga pondo sa mga sistemang social security upang sustenable ang pagpapalago ng pondo para sa mga benepisyong pang-kasakuluyan at pang-hinaharap.

At higit sa lahat, dapat na dumadaloy sa mga benepisyong panlipunan ang katas ng pag-unlad ng bansa. Ang bansang tunay na matagumpay ay kumakalinga sa mga mamamayang naghihirap at kumakayod upang mapaunlad ito. Marapat lamang na bigyan ang mga kasalukuyang manggagawa ng katiyakan na ang kanilang pagreretiro dulot ng katandaan, gayundin ang pagkakaroon ng kapansanan at malubhang karamdaman, ay protektado at hindi maglalaho na parang bula.

Leave a Comment Using Facebook