by PhilRights Staff

Konteksto: Ano ang ICC?

Ang International Criminal Court (ICC) ay isang institusyon na nag-iimbestiga at nag-uusig sa mga taong naakusahang nagkasala sa mga krimen tulad ng mga krimen sa digmaan o war crimes, krimen laban sa sangkatauhan o crimes against humanity, crime of aggression, at genocide.

Itinatag ang ICC sa bisa ng Rome Statute, isang kasunduan ng 120 na mga bansa noong 1998 at nagkabisa noong 2002. Nagkasundo ang mga bansang ito na kailangan ang ICC upang imbestigahan at usigin ang mga malalalang krimen laban sa mga mamamayan, partikular sa mga pagkakataong bigo ang mga pambansang hukuman na iproseso ang mga kasong ito.

Kabilang ang Pilipinas sa mga nagratipika ng Rome Statute kaya naman may hurisdiksyon ang ICC sa bansa pagdating sa mga krimeng nabanggit sa itaas.

Konteksto: Ang Pagtutok ng ICC sa Pilipinas

Noong 2018 isinalalim ng ICC sa preliminary examination ang sitwasyon sa Pilipinas.

Ang desisyong ito ng ICC ay base sa mga ulat at alegasyong isinumite sa korte laban sa gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng mga pagpatay o extrajudicial killings mula sa pagpapatupad ng “war on drugs” simula noong Hulyo 2016.

Ang preliminary examination ang unang hakbang kung saan pinag-aaralan ng korte kung may makatuwirang basehan upang magsagawa ng ganap na imbestigasyon tungkol sa mga inakusang paglabag.

Noong Marso 2018, pormal na binawi ng Pilipinas ang pag-anib sa Rome Statute. Alinsunod sa patakaran, nagkabisa ang pagbawing ito noong Marso 2019. Gayunman, nilinaw ng ICC na may hurisdiksyon pa rin ang korte ukol sa mga kasong naganap habang partido ang Pilipinas sa Rome Statute, samakatuwid hanggang Marso 2019.

Ngayong Hunyo 2021, pormal na hiniling ng prosecutor ng ICC na si Fatou Bensouda na pahintulutan ang kanyang opisina na magsagawa ng ganap na imbestigasyon sakop ang panahon mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.

Ang Saklaw ng Imbestigasyong Nais ng ICC Prosecutor

Ayon sa opisyal na pahayag ng ICC Prosecutor na si Fatou Bensouda, matapos ang masinsinang proseso ng preliminary examination, natukoy ng kanyang opisina na may indikasyon na may mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at iba pa na sangkot sa ilegal na pagpatay sa libo o libo-libong sibilyan mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019.

Inaral din ng prosecutor ang mga alegasyong may naganap na torture at iba pang hindi makataong paglabag na naganap sa lungsod ng Davao habang nanunungkulan doon bilang alkalde ang ngayong Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ang dahilan kung bakit lumawak ang sakop ng mga insidenteng nais imbestigahan ng korte mula sa naunang Hulyo 2016, ang umpisa ng ‘war on drugs’ sa bansa, pabalik sa mga alegasyon ng paglabag mula pa noong Nobyembre 2011.

Mga Detalye ng Nais na Imbestigasyon ng ICC Prosecutor

Ayon sa pormal na inihaing request ng ICC Prosecutor, may reasonable basis o makatuwirang basehan upang paniwalaang may naganap na crime against humanity of murder mula sa panahong inaral (Hulyo 1, 2016-Marso 16, 2019) kaugnay ng kampanyang “war on drugs” ng gobyerno ng Pilipinas.

Ang crime against humanity, ayon sa ICC, ay seryosong paglabag na isinagawa bilang bahagi ng isang malawakang pag-atake sa mga sibilyan ng isang bansa o teritoryo. May 15 opisyal na krimen na maaaring tawaging crime against humanity, kabilang ang pagpatay, panggagahasa, pagkulong, enforced disappearance, at iba pa.

Base sa naipong impormasyon ng prosecutor, ilang miyembro ng PNP at iba pang kasangkot ay pumatay ng libong mga hinihinalang gumagamit ng ilegal na droga at iba pang sibilyan habang nagsasagawa ng mga operasyon kaugnay ng kampanya.

Tinala rin ang mga pagpatay dulot ng mga vigilante at pribadong indibidwal na hinikayat at binayaran upang pumatay ng sibilyan. Base sa impormasyon, malakas din ang hinala na ilan sa mga vigilante ay mga pulis.

Mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019, tinatantyang aabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang napatay kaugnay ng ‘war on drugs.’

Ayon pa rin sa prosecutor, lumalabas na isinagawa ang mga extrajudicial killings (EJKs) na ito alinsunod sa opisyal ng palisiya ng gobyerno ng Pilipinas.

Pinlano, inutos, at minsan ay direktang isinigawa ng mga pulis at iba pang ahente ng gobyerno ang mga EJKs. Napag-alaman ding binayaran ang mga pulis at vigilante ng pabuya para sa mga ginawang pagpatay.

Sinabi rin ng ICC prosecutor na ang kultura ng impunidad ay pinatatag pang lalo ng mga paulit-ulit na pahayag na sumusuporta sa EJKs mula sa mga opisyal ng goberyno gaya ng noong PNP Chief at ngayon ay senador na si Ronald “Bato” dela Rosa at dating kalihim ng Department of Justice na si Vitaliano Aguirre II.

Tinukoy din maraming pagkakapareho ang mga EJKs na ito sa mga naitalang krimen sa Davao mula 1988 hanggang 2016; dagdag pa na parehong mga tao rin ang sangkot. Ito ang dahilan kung bakit nais isama ang mga EJKs at iba pang paglabag na naganap sa lungsod mula 2011 hanggang 2016, kung kailan huling nanungkulan bilang alkalde si Pangulong Duterte.

Mga Susunod na Hakbang sa Proseso ng ICC

Nitong Hunyo 15 natapos ang panunungkulan ng ICC Prosecutor na si Fatou Bensouda. Ang kanyang kapalit na si Karim Khan ang siyang magmamana ng pagpupursige sa mga aksyon tungkol sa sitwasyon sa Pilipinas at ilan pang bansa.

Ang hiling ng ICC prosecutor upang magsagawa ng imbestigasyon ay inihain sa Pre-Trial Chamber (PTC) na binubuo ng tatlong hukom. Sa puntong ito, ang PTC ay kinakailangang magpapasya kung pahihintulutan ba ang ICC prosecutor na magsagawa ng ganap na imbestigasyon.

Oras na may pahintulot na ang PTC, pormal nang mangangalap ng ebidensya ang ICC prosecutor at tutukoy ng mga suspek. Dito maaari nang hilingin ng prosecutor na magpalabas ang mga hukom ng ICC ng arrest warrant o summons sa mga suspek.

Sakali namang tanggihan ng PTC ang hiling, maaaring muling maglatag ng bagong ebidensya ang prosecutor upang suportahan ang hiling nito.

Matapos ang lahat ng ito, sasailalim sa pre-trial ang kaso kung saan kukumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga suspek at mga akusasyon laban sa kanila. Base sa mga pagdinig na ito, magpapasya muli ang mga hukom kung sapat na ang ebidensya upang ituloy sa trial.

Ang trial ang proseso ng mga pagdinig kung saan kailangang patunayan ng prosecutor lampas sa “reasonable doubt” na may sala ang akusado. Sakaling mapatunayang nagkasala, maaaring masentensyahan ang mga akusado ng hanggang 30 taong pagkakabilanggo, o maging habambuhay na pagkakabilanggo. Ang anumang desisyon ay maaaring i-apela ng prosecutor at ng depensa. Ang kampo ng mga biktima at ng akusado ay maaari ring umapela para sa reparations na kahalintulad ng danyos sa mga ordinaryong krimen.

Mga Implikasyon Para sa Mga Biktima at Kanilang Pamilya

Bagama’t inaasahang mahaba ang prosesong bubunuin sa ilalim ng ICC, malinaw na tagumpay ang desisyong ito ng ICC prosecutor para sa mga biktima ng kampanyang ‘war on drugs’ at kanilang pamilya. Dagdag na patunay din itong may matibay at komprehensibong basehan ang panawagan ng hustisya ng mga pamilyang naiwan.

Sa isa pang banda, inaasahan ding lalo pang mahihimok ang mga internasyunal na organisasyon at maging ibang makakapangyarihang bansa na dagdagan pa ang pressure at impluwensya sa gobyerno ng Pilipinas na wakasan na ang marahas na ‘war on drugs,’ pag-ibayuhin ang pag-usig sa mga pulis at kawani ng gobyernong lumalabag sa karapatang pantao, at seryosohin ang pagtupad sa mga obligasyong igalang, protektahan, at isakatuparan ang karapatang pantao ng mamamayan.

 

Leave a Comment Using Facebook