Ni C. Bernal

Bilang tugon sa huling State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte, nagtipon tipon ang mga katutubong kababaihan mula sa iba’t-ibang panig ng bansa para sa National Indigenous Women Gathering (NIWG).

Idinaos ang pagtitipon ng Purple Action for Indigenous Women’s Rights (LILAK), isang organisasyong nakatuon sa mga karapatang pantao at mga tagapagtanggol ng mga katutubong kababaihan. Ang tema ng NIWG 2021 ay “Iba’t ibang Mukha at Pakikibaka ng Katutubong Kababaihan, Pinagkaisa ng Paglaban sa Karahasan ng Gobyernong Duterte.”

Sa pangalawang araw ng kanilang pagtitipon, nagbahagi ang iba’t-ibang mga sektor kabilang ang mga kabataan, nakatatanda, manggagawang impormal, manggagawang migrante, taong may kapansanan (PWD), tradisyunal na manggagamot, magsasaka, at tagapagtanggol ng karapatang pantao at pankalikasan (IWHRD).

Ang porma ng NIWG 2021 ay katulad ng sa SONA kung saan inilista ng mga kalahok ang mga pagkukulang ng administrasyong Duterte at ang kanilang mga pangangailangan at hiling sa mga susunod pang administrasyon.

Bagaman magkakaiba ang kanilang mga panawagan, ang mga pangkalahatang hinihiling ng mga katutubong kababaihan ay ang pagtigil ng diskriminasyon mula sa gobyerno, mga pribadong institusyon, at kapwa Pilipino. Halimbawa na lamang nito ay ang pagnanais ng mga sektor na itigil at buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tina-target ang mga katutubo at mga katuwang na mga tagapagtanggol.

Mayroon ding panawagang suportahan ang mga katutubo sa kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan tulad ng pagdagdag ng ayuda at pensyon para sa mga nakatatanda, paglalaan ng kagamitan para sa mga mag-aaral, at ospital at gamot para sa komunidad.

Ang mga panawagan ng katutubong kababaihan ay hindi lamang mga pangangailangang umusbong sa nakaraang taon ng pandemya, ang mga ito’y mga pagkukulang bunga ng pagsasawalang-bahala ng administrasyong Duterte sa limang taon ng pamumuno nito.

.        Mga Kababaihang Manobo na umaawit ng Ikaw ang Lakas | Screenshot mula sa NIWG 

Nagtapos ang pagpupulong sa pagtatanghal mula sa mga kinatawan ng mga tribo tulad ng kababaihang Manobo at Erumanen Menuvu. Ang Bise Presidente Leni Robredo at Senadora Leila de Lima ay nagsalita rin at nagbahagi ng kanilang mensahe ng pagkikiisa.

Magkakalayo man at magkakaiba ang mga pinanggalingan ng mga kababaihang katutubong dumalo sa NIWG, makikita ang lubusang kakulangan ng gobyerno sa pagsuporta at pagtataguyod sa karapatan ng mga katutubong kababaihan.

Hanggang sa panahong ligtas nang mamuhay ang mga katutubo, kailangang bigyang diin na protektahan ang kanilang mga pagkakakilanlan at seguridad. Bunga nito, maging ang pagsasapangalan ng mga tagapagsalita ng iba’t-ibang sektor ay maituturing na hindi ligtas. Isa pang patunay na malaki pa rin ang kinahaharap na mga hamon at paaalala na susi ang darating na eleksyon upang makapaghalal ng mga namumunong magpapahalaga sa karapatan at dignidad ng mga kababaihang katutubo.

Basahin ang Pagkakaisang Pahayag ng NIWG 2021 dito

Leave a Comment Using Facebook