ni C. Bernal
Nagdaos ng talakayan ang Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) nitong ika-8 ng Hulyo upang ipaunawa pang higit ang mga gawain, proseso at implikasyon ng mga organisasyong tulad ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) at International Criminal Court.
Pinamagatang, “Maunawaan. Maningil.” ang diskusyon ay pinamunuan nila Fr. Christian “Toots” Buenafe ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) at Nilda Lagman-Sevilla ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND).
Sinamahan din sila ng mga kasapi mula sa ibang mga organisasyon na sila Derek Cabe ng Coal-Free Bataan Movement (CFBM), Laida Musa ng Alliance of TriPeople for the Advancement of Human Rights (ALTAHR), Tessam Castillo ng PagHILOM, at Wilson Fortaleza ng Partido Manggagawa (PM). Nagbahagi ang mga panelista ng kanilang mga karanasan bilang mga kaisa sa laban para sa karapatang pantao.

Nagbukas ang diskusyon sa pagbabahagi ni Fr. Buenafe tungkol sa kung paano nagtatrabaho ang mga lokal at internasyonal na organisasyong pang-karapatang pantao. Ipinaunawa niya na ang mga non-government organization (NGO) ay dumadalo rin sa mga pagtitipon ng UNHRC kung saan sila ay may oportunidad na magbahagi ng kanilang mga karanasan.
Naibahagi rin ni Sevilla na isa pang mahalagang layunin ng internasyonal na lobbying ay ang paghahanap ng suporta at tulong mula sa mga internasyonal na organisasyon upang magkaroon ng malaya at malinaw na imbestigasyon para sa mga paglabag ng karapatang pantao dito sa bansa. Isang konkretong pagsuporta na hinihingi mula sa UNHRC ay ang pagbuo ng Commission of Inquiry, isang grupo na tutuon sa pag-iimbestiga sa sitwasyon sa Pilipinas.
Sunod na nagbahagi si Cabe tungkol naman sa kaso ni Gloria Capitan, ang unang biktima ng extrajudicial killing o EJK sa administrasyong Duterte. Si Capitan ay isa sa mga namumuno sa pakikipaglaban para sa mga karapatang pantao ng kanilang komunidad at humaharap sa mga malalaking kumpanya ng coal.
Sa puntong ito, iginiit din ni Cabe ang pangangailangan ng mas masinsinang due diligence ng mga kumpanyang ito, lalo na sa mga komunidad na naapektuhan ng kanilang mga proyekto.
Si Fortaleza ay nagbahagi naman tungkol sa mga manggagawa na naging biktima ng EJK. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay isa sa mga pinaka delikadong bansa para sa mga unyon dulot ng pagdami ng mga pinapatay sa panahon ng administrasyong Duterte. Kanyang idiniin na nasa Konstitusyon na ang mga manggagawa ay maaaring mag-organisa at ipaglaban ang kanilang karapatang pantao.
Ibinahagi naman ni Castillo ang kanyang mga karanasan sa pakikisalamuha sa mga pamilya ng mga naging biktima ng EJK. Kanyang binigyang-diin na kailangan natin alalahanin na ang mga biktima ay hindi lamang mga istatistika, subalit mga indibidwal na may mga pangalan at pagkakakilanlan.
Pinipili ng gobyerno ang mga biktima na walang laban sa kanilang karahasan—isang puntong pinalalim pa ni Musa habang kinokonteksto ang kalagayan sa Mindanao. Hindi lamang mga EJK kaugnay ng tinatawag na War on Drugs ang nagaganap rito, ngunit pati na rin mga EJK sa mga katutubo at mga aktibista para sa kalikasan. Kanyang ibinahagi na ang Pilipinas ay isa sa mga pinaka delikadong bansa sa mundo para sa mga lumalaban para sa karapatang kalikasan.
Bagaman nanggagaling ang mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang mga anggulo, may pagkakahalintulad pa rin ang kanilang karanasan sa paglabag ng pamahalaan sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Bawat isa ay naghahanap ng hustisya sa maraming mga pamamaraan at kinikilala ang importansya ng pagkamit ng suporta ng mga internasyonal na organisasyon sa laban na ito.
Inaanyayahan nila ang mga manonood na ipagpatuloy ang mga usaping tulad nito upang lalo pang marinig ang kanilang mga kwento at matuto mula rito ang mga kabataan at mga hindi naniniwala. Panghuli ay kanilang ipinaalala ang pagpili at pagboto ng mga pinuno na magiging kasama sa laban para sa karapatang pantao ng mga Pilipino.
Panoorin ang diskusyon dito.