by PhilRights
Araw-araw nating nasusubaybayan sa balita ang mga halimbawa ng di mabilang na mga paglabag sa karapatang pantao. Nariyan ang kawalan ng tirahan, kakulangan sa pagkain, kapos na kakayahang makapag-aral, problemang pangkalusugan, pang-aabuso sa mga manggagawa, at karahasan ng Estado sa mga mamamayang Pilipino. Ilan lamang ang mga ito sa mga paglabag na nararanasan ng nakararami, na siya ring patunay na malayo pa ang ating lalakbayin patungo sa isang lipunan kung saan tinatamasa ng bawat Pilipino ang mga angking karapatan.
Susi ang sama-samang pagkilos at kolektibong pagtugon ng mamamayan sa tawag ng panahon na ipagtanggol, igiit, at matamasa ang ating mga karapatan. Mahalaga rin ang patuloy na paggiit sa Estado at sa lahat ng bumubuo nito na tupdin ang mga taglay nitong obligasyong irespeto, protektahan, at isakatuparan ang karapatan ng lahat. Dahil dito, nais nating lumago pa ang hanay ng mga human rights defenders o HRDs na aktibong nagtatanggol at nagsusulong ng karapatan ng lahat.
Pero paano nga ba magsimula bilang isang HRD? At ano ang mga inaasahan sa mga nagnanais maging tagapagtanggol ng karapatang pantao?
Sa katunayan, walang isang tamang landas ang dapat tahakin upang masabing isang lehitimong human rights defender. Gaya nga ng depinisyong binigay ng United Nations:
“Human Rights Defender” is a term used to describe people who, individually or with others, act to promote or protect human rights in a peaceful manner.”
Dagdag pa ng UN, matutukoy ang isang HRD batay sa kanyang ginagawa at sa konteksto ng kanyang pagkilos. Kung ang kanyang mga gawain ay patungo sa pagsulong at/o proteksyon ng anumang karapatang pantao ng isang tao, grupo, organisasyon, o kalakhang lipunan, siya ay maituturing na HRD.


Ano ang mga gawain ng mga HRD?
1. Advocacy at Lobbying
Ito ang pagpapalaganap ng mga panawagang pang-human rights at paghihikayat sa mga kinauukulan na bigyang tugon ang mga hinaing, suhestyon, at mga proposal na tutugon sa mga isyung pang-human rights.
2. Human Rights Education at Training
Ang pagbabalangkas at pagtuturo ng mga aralin at pagsasanay tungkol sa human rights nang mapatibay ang mga kakayahan, kaalaman, at kasanayan ng mga ordinaryong mamamayan hinggil sa pagprotekta at pag-angkin ng mga karapatan.
3. Research, Monitoring, at Documentation Work
Ang pagsubaybay, pagsisiyasat, pananaliksik, pangangalap ng impormasyon, at pag-uulat ng paglabag sa karapatang pantao. Sa pagre-research, pagmo-monitor, at pagdo-document ng mga kaso ng paglabag ay masusing kinikilatis at sinisiyasat ng mga HRD kung ito ay paglabag sa alinman sa civil, political, economic, social, at cultural rights ng indibidwal o mga grupo.
4. Support at Assistance
Ang pagbibigay ng mga kagyat na remedyong paralegal, medical, at psychosocial na suporta at tulong sa mga biktima ng HRV, kanilang mga pamilya, at mga komunidad. Kadalasan, ito ay nasa pormang pagtulong na makalapit at maidulog ang mga hinaing sa mga mekanismo ng gobyernong tutugon sa kanilang mga pangangailangan sa alinman sa civil, political, economic, social, at cultural rights ng indibidwal o mga grupo.
Ang mga gawaing ito ay magkakaugnay at nagpapalakas sa isa’t isa. Ibig sabihin, hindi nakakahon ang isang HRD sa isa lamang landas o praktika ng pagsusulong ng karapatang pantao. Ang isang HRD ay aktibong kalahok sa mga network na nag-aambagan upang mas epektibo pang maisakatuparan ang mga hinahangad na pagbabago para sa karapatang pantao ng lahat.
Gayundin, may taglay na responsabilidad ang mga gawaing ito. Hinihiling sa mga HRD na magkaroon ng karagdagang pagpapalalim sa pag-unawa ng mga kondisyon, isyu, kalagayan, at mekanismo ng human rights at sa mga isyung kinakaharap ng kanyang lipunan. Dito nasusubok ang kakayahan ng isang HRD na pagyamanin ang kanyang toolkit upang mahimok ang mamamayan na kumilos at tumindig para sa kanilang karapatan at maging inspirasyon din para sa iba pang mamamayan.
Hango sa HRD Starter Pack: Praymer para sa Newbie Human Rights Defenders (2024). Para sa kopya at dagdag impormasyon, mag-email lamang sa info@philrights.org