by PhilRights Staff

Mula nang umupo bilang presidente si Rodrigo Duterte at inilunsad ang kampanya laban sa iligal na droga ay lumaganap na ang extrajudicial killings, lalo sa mga komunidad ng mga maralitang taga-lungsod. Karamihan sa mga napatay ay sinasabing “nanlaban” sa mga pulis. May mga kaso rin ng pagpatay na dahil sa mga vigilante o mga hindi kilalang suspek. Isang malaking tanong ngayon ay kung paano mapapatunayan ang mga ganitong alegasyon at makamit ang hustisya para sa mga pamilyang naiwan.

Ayon sa National Institute of Justice ng Estados Unidos, malaki ang gampanin ng forensic science sa pagtukoy ng mga siyentipikong impormasyon na makakatulong sa pag-analisa ng mga ebidensiya. Ang mga ebidensiyang nakalap sa pinangyarihan ng isang krimen ay maaring makapagbigay linaw sa isang kaso kung masusuri nang maigi gamit ang forensic science.

Upang mas makapagbigay ng linaw sa lagay ng forensic science sa Pilipinas at sa mga maitutulong nito sa pagkamit ng hustisya ay nakausap namin si Dr. Raquel Fortun, batikang Forensic Pathologist sa Pilipinas at isa ring propesora sa Unibersidad ng Pilipinas-Maynila.

PhilRights: Para sa inyo, ano ang role ng forensic science sa criminal justice system partikular na sa mga kaso ng extrajudicial killings at paghahanap ng hustisya?

DR. RAQUEL FORTUN: Malaki ang importance—malaki ang naitutulong ng forensic science kung seryoso kang magkaroon ng effective criminal justice system kasi nga iyong ebidensiya ina-analyze para malaman mo kung ano iyong nangyari. Papaano ka magkakaroon ng criminal justice system kung wala kang ganitong klaseng paraan? Ang mangyayari niyan, kung ano iyong allegation—kung ano iyong sasabihin ng mga tao—‘yun na ba ‘yun? Hindi pupwede ‘yan kung gusto mong malaman ‘yung katotohanan. Halimbawa, sasabihin nila na “nanlaban.” Eh sila na lang ang nandiyan para magsabi noon eh; papaano naman ‘yung napatay? Paano magsasalita ‘yung bangkay?

PhilRights: Ano po ang mga institutions sa Pilipinas na may authority para mag-conduct ng forensic investigations at autopsies?

DR. RAQUEL FORTUN: Walang sistema. Ideally, kapag sinabi mong autopsy, nag-iexamine ka ng patay and other investigations. In other countries, talagang mayroong independent body like a medical examiner or officer and under the health sector ito which gives the body independence. In the Philippines, walang sistema. Marami sa eksaminasyon ay nare-refer kuno sa pulis, pero anong klaseng eksaminasyon? Tapos mayroon ba talaga silang capability? Yung iba, just about any doctor, pero same question—ano ang capability? So, ‘yung quality ng examination, questionable ‘yan.

Bakit health department? Kasi talaga namang health concern din even the violent deaths. Tapos iyon ang independence—kapag ang pumatay ay pulis, kahit papaano kapag capable ang examiners at independent sila, kung ano ‘yung resulta, ilalabas mo. What if kayo na nga ang pumatay, kayo pa ang mag-iimbestiga sa sarili ‘nyo, papaano na ‘yung katotohanan?

PhilRights: Sa ibang cases, sinasabi nilang sa funeraria ay nagpe-perform ng autopsy, may authority po ba talaga ang funeraria to perform the autopsy?

DR. RAQUEL FORTUN: Ang nangyayari, yung venue kanila. Doon ginagawa sa kanila. Kaya lang, ang daming tanong. Sino ang gagawa? Minsan itong mga funeraria na ito, may mga suki, NBI-accredited sila o PNP-accredited so tatawagin nila ‘yung doktor. Maraming areas sa Pilipinas na walang NBI, walang PNP, yung health officer lang ang nandoon. Ang tanong sa lahat ay kung may training ba sila? Hindi porke’t sila ang tinawag, alam nila kung ano ang gagawin nila. Tapos ayun, may reason kung bakit gagawin ‘yung examination. Itong mga funeraria na ito, they only have the basic table, maybe. Many of them are just designed to do embalming. Hindi sila pang-handle ng ebidensiya at hindi rin nila alam kung paano mag-handle ng ebidensiya so ang daming ebidensiyang nawawala o nasisira.

PhilRights: May napanalo na bang kaso sa korte dahil sa isinagawang autopsy o  ibang forensic examination?

DR. RAQUEL FORTUN: Yes, nakakatulong. Pero remember, hindi naman ‘yan, porke ikaw ang nag-autopsy, ikaw na ang star witness. When we examine a dead body, nagko-contribute kami doon sa kaalaman. Yes, meron, lalo na abroad. Dito sa Pilipinas, maybe yes.

For cases I was involved in, hindi ko naman hinahabol ‘yung outcomes. Sometimes, sinasabihan ako ng pamilya o ng abogado kung ano ang nangyari. Sometimes it works na, “Ay salamat, naintindihan n’ung huwes.” Sometimes, not. Nakaka-frustrate kasi ibig sabihin nakulong iyong inosente o napawalang sala and therefore, walang justice. Hindi klaro kung sino ang pumatay o ano nga ba ang nangyari. It’s a tragedy kasi nga kung mali ‘yung hinuli mo, mali ‘yung kinulong mo—inosente ‘yan. What if ang totoong pumatay ay kalat pa rin diyan, that’s also not justice. That’s not effective kasi delikado.

PhilRights: Paano po kayo nai-involve sa mga legal cases, hina-hire po kayo ng pulis or families na nagsasampa?

DR. RAQUEL FORTUN: Usually, hindi ‘yan police. Hindi sila hihingi ng tulong—very, very rare. It would be parties like mga pamilya or their lawyers asking for help. And generally, ‘yung mga lumalapit sakin ‘yung mga hindi natatakot sa outcome. Meaning, ang habol lang nila ay kung ano lang ba talaga ang nangyari. Kasi kung natatakot ka, hindi ka lalapit sa forensic science. Minsan ‘yung mga lumalapit sinasabi na “Gusto lang ho namin malaman kung ano talaga ang nangyari. Kung guilty siya, guilty siya.” Pero madalas, may mga pamilya na nag-iinsist na hindi siya ang pumatay, inosente siya. Minsan ang issue ay identity lang—siya ba ‘yun o hindi. Depende, iba-iba.

PhilRights: In general, ano po ang tingin niyong capacity ng Pilipinas sa forensic science?

DR. RAQUEL FORTUN: Mahinang-mahina tayo. Kaya nga tayo may problemang ganito, ‘di ba? Parang na-exploit ‘yung kahinaan. Even before this present admin, pero mas grabe ngayon.

Compared to other countries, backward tayo, unfortunately. Even some Asian countries talo tayo.

I’ve been told: “Eh kasi dapat maghintay ka ng kaso o big case na bigla na lang mare-realize ng institution o ng Estado na kailangan natin ng ganito, ng ganyan.” Parang nakaka-frustrate na ilang beses na tayo nagkakaroon ng really big case na naha-highlight yung kakulangan. In the end, wala pa ring nangyayari. So, hindi ko alam kung bakit. Is it because socio-culturally, happy na tayo sa ganito? Hindi tayo ganoon ka-demanding in terms of standards? Or is it because ‘yung administration mo ay talagang ayaw mag-flourish ang forensic science kasi nga may tinatago?

Leave a Comment Using Facebook