TRIGGER WARNING: Mention of suicide.

by Amor Antonio

Kagagaling ko lang sa rally para sa World Teachers Day 2024 habang sinusulat ko ito. Nahuli ako sa martsa kaya nagtryke na ako pa-Mendiola. Wala akong nakita pagbaba ng tryke. Naglakad ako pabalik sa Recto at nakita ko ang mga kapwa titser sa tapat ng University of the East. Hindi na pala nakaabot sa Mendiola ang bulto dahil hinarang na ito ng mga pulis.

Iniisip ko kung anong iniisip ng mga pulis habang nakaharang sila roon. Nakaka-relate kaya sila sa dagdag sweldo na dekada nang panawagan ng mga titser? Ang laki ng tinaas ng sweldo nila noong panahon ni Duterte, kasagsagan ng tokhang, habang lubhang napag-iwanan ang sa amin. Nakagagalit isipin na kung sino pa ang kumitil sa buhay ng maraming kabataan ang higit na nagkaroon ng alwan sa buhay habang ang mga humuhubog ng isipan ay nananatiling dayukdok ang pamumuhay.

Sa Facebook comments, mayroong mga ayaw maniwala na mga lehitimong titser ang dumalo sa rally. Kung nababasa mo ito at may kakilala kang tulad nila, maaari mong ibahagi itong pilas ng aking buhay.

Labingtatlong taon na akong titser sa isang pampublikong eskwelahan sa Maynila. Kahit madalas ay ayokong aminin sa aking sarili, dahil madalas din akong magpakaintelektwal, at nagtuturo at nakapagturo sa mga tinuturing na matatalinong kabataan, di naiiba ang buhay ko sa buhay ng pangkaraniwang titser sa pampublikong eskwelahan—palaging nangangailangan ng ibang pagkakakitaan at isang ika nga nila, “loandoner.” Katunayan, binati pa nga ako ng isang bangkong kilala sa pagpapautang sa mga titser ng “Happy Teachers’ Day.” Sa isip ko, walang titser na tunay na masaya hanggang ang kalagayan nila, namin, ay nakatuntong sa pangangailangan mangutang. Di ko rin malimutan ang sinabi sa akin ng isang kapwa titser, na ang buhay namin ay di nalalayo sa buhay ng mga blue collar na manggagawa—overworked at underpaid. Isang matinding krisis lang sa buhay at maaaring hindi na makabangon pa. Malinaw ang panawagan naming isa sa mga may pinakamababang sahod sa mga propesyunal—sahod itaas, 50k dapat.

Sa labingtatlong taong iyon at nagpapatuloy pa, nananatili akong Teacher I, entry level. Masyado yata akong nahumaling sa pagtuturo at nagkaroon lamang ng pagkakataong magpapromote sa aking ikasampung taon. Akala ko aalwan na ang buhay ko noong nag-qualify akong Master Teacher I. Hindi pala dahil hindi ko nakuha ang posisyon. Mula noon, pinanawan na ako ng pag-asang may patutunguhan pa ang aking lakas at talino. Kaya hindi ko rin maisisisi ang iba sa aking mga kabaro na tila nawawalan na rin ng gana sa propesyon o pinili nang mangibang bansa. Sapagka’t para saan pa? Usap-usapan sa faculty room ang balita kamakailan na may titser na namatay dahil sa stress. Pumutok daw ang ugat sa ulo. Kaugnay dito naalala ko na naman ang sunod-sunod na mga balita noong 2017-2018 tungkol sa mga titser na piniling kitilin ang sariling buhay dahil din sa nakalulunod na trabaho. Sino ba naman ang hindi maiistress sa pagtuturo ng anim na klase na may mahigit 50 estudyante sa loob ng isang napakainit na klasrum 4-5 beses sa isang linggo? Aktwal na pagtuturo pa lang iyon. Hindi pa kasama ang ibang kaakibat na trabaho na tumatawid sa clerical, guidance / advisory, accounting. Kaya’t hindi maiiwasan ng titser na magkasakit. Walang sick leave kapag nagkasakit kaya pinipili na lang ng iba na pumasok pa rin upang hindi mabawasan sa payslip. Sino ba naman ang hindi maiistress na sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling hindi nakabubuhay ang sweldo?

Hindi kailangang manatiling ganito. Kahit pa bilang isang indibidwal ay tila tinatakasan na ako ng pag-asa, patuloy na pinatutunayan ng kilusang guro, ng mga titser na patuloy na nakikibaka, na may nagagawa ang paggigiit.

Hindi kailangang manatiling ganito. Kahit pa bilang isang indibidwal ay tila tinatakasan na ako ng pag-asa, patuloy na pinatutunayan ng kilusang guro, ng mga titser na patuloy na nakikibaka, na may nagagawa ang paggigiit. Kailangang palaging ipaalala sa sarili at kapwa titser na ang mga paunti-unting tagumpay na nakakamit ay hindi kusang binigay kundi bunga ng sama-samang pagkilos.

Alam na alam ng estado na may lakas sa pagkakaisa kaya hangga’t maaari, patuloy nilang sinusupil ang mga gurong nakikibaka. Sa kasalukuyan, 22 myembro ng Manila Public School Teachers Association ang kinasuhan ng superintendent sa Professional Regulation Commission at Office of the Ombudsman dahil sa kanilang pagdalo sa rally na nagpapahayag sa daing ng kaguruan. Malinaw na pang-aabala, paninindak, at paglabag sa karapatan sa pagpapahayag na nakasaad sa konstitusyon ang hakbang na ito ng superintendent na ni minsan ay hindi naman naging titser sa pampublikong paaralan.

Mas nararamdaman na sa eskwelahan namin ang malaon nang mga problemang ito. Kulang na kulang kami sa rekurso bagaman bagong tayo ang gusali—puro luma at kakaunti ang mga libro sa library at halos walang laman ang mga laboratoryo. Walang clinic para sa mga estudyanteng nagkakasakit kaya pinauuwi na lang. Ilang beses kaming nagpalit ng principal kaugnay sa isyu ng pagpapahayag ng mga titser tungkol sa planong okupasyon ng ibang eskwelahan sa amin. Kulang ang mga titser kaya nag-dissolve ng sections at dumami ang bilang ng mga estudyante bawat isa. Lumobo na rin sa tatlong subjects ang tinuturuan ng ibang titser sa aming departamento. Pinagmamalaki ng DepEd na tinanggal daw ang non-teaching functions ng mga titser pero sa katotohanan pala ay dahil dadami ang subjects na ituturo nila. Kung hindi panlilinlang ay wala akong ibang maitatawag dito.

Noong isang araw lang ay binahagi sa amin ng aming department head ang MATATAG curriculum na kasalukuyan nang pinapatupad sa Grade 7. Binahagi ito sa paraang tila solusyon sa krisis sa edukasyon habang ang totoo’y hindi nito sinasagot ang mahahalagang tanong ng kasalukuyang panahon—paano mas mapalalakas ang climate education sa panahong patindi nang patindi ang krisis sa klima? Paano mas mapalalakas ang kaalaman sa kasaysayan sa panahong pilit itong binabaluktot? Paano mas mapalalakas ang tipo ng edukasyong nakasandig sa kritikal na  pag-iisip na kailangan para sa pagbabago ng lipunang nakasandig sa pang-aapi?

Ngayong World Teachers Day, hinahamon ko ang sarili at mga kapwa guro na mas pag-alabin ang diwang palaban at patuloy na makilahok sa kilusang guro—sa kalsada at sa kani-kaniya nating mga klasrum. Nawa’y patuloy na maging inspirasyon natin ang isa’t isa sa paghubog ng mga isipang siyang makatutulong sa atin sa paghubog ng makatarungang lipunan.

Leave a Comment Using Facebook