by Mateo P. Garcia

Ngayong taon ng halalan, lalo pang tumingkad ang mga usapin ng pamamahala at ang pagnanais ng lahat ng maunlad na pamumuhay. Ang dalawang usaping ito—ang pamamahala at pag-unlad—ay hindi maipaghihiwalay. Kung hindi epektibo ang pamamahala sa isang lipunan, malayong maisakatuparan ang pag-unlad para sa lahat ng miyembro nito.

Hindi rin buo ang anumang diskusyon sa pamamahala at pag-unlad nang walang pagkilala sa mga konsepto ng karapatang pantao.

Mas mabibigyan pang linaw ang kaugnayan ng karapatang pantao sa pamamahala kung titingnan natin ang mga partidong kasangkot.

Nariyan ang mga rights holders na binubuo ng mga mamamayan o ordinaryong inidibidwal. Ang mga ito ay may responsibilidad na ipagtanggol, angkinin, at gamitin ang mga karapatang pantao, habang iginagalang ang karapatan ng kapwa.

Nariyan din ang mga duty bearers na kinabibilangan ng Estado at lahat ng bumubuo nito katulad ng mga kawani ng pamahalaan, kapulisan, military, hanggang sa opisyal ng barangay. Ang mga duty bearers ay may obligasyon para irespeto, protektahan, at isakatuparan ang mga karapatang pantao.

Dahil ang pamamahala ay isang mahalagang instrumento upang makamit ang pag-unlad, kinakailangang kilalanin ng mga duty bearers ang mga obligasyon at pananagutan patungo sa pagsasakatuparan ng lahat ng karapatan ng lahat ng mamamayan.

Mahalaga ring bigyang-diin na ang mga problema sa pag-unlad ay mga problema rin sa karapatang pantao. Gayundin, walang makabuluhang pag-unlad ang magaganap hanggang hindi natatamasa ng lahat ang kanilang mga karapatan.

Sa perspektibo ng karapatang pantao, ang mamamayan ay hindi lamang mga benepisyaryo o tagatanggap. Bawat isa sa atin ay nararapat na maging mga aktibong kalahok at may pagmamay-ari sa proseso ng pag-unlad. Isinasalarawan ng Rights-based Approach (RBA) kung paano ito maisasakatuparan.

Ang RBA bilang Balangkas

Hindi lingid sa lahat na malaki pa ring hamon para sa maraming Pilipino ang makibahagi sa mga usapin ng pamamahala at pag-unlad. Nariyan ang kawalan ng kaalaman at kakulangan ng akses ng marami; dagdag pa rito ang sadyang kakulangan ng interes ng mga namumuno sa makahulugang pakikilahok ng mga mamamayan sa mga usaping ito.

Ang mga balakid na ito ang ilan sa mga nais bigyang tugon ng rights-based approach o RBA. Bilang balangkas, nakatuon ang RBA sa proseso ng pag-unlad ng tao.

Ito ay base sa mga itinakdang internasyonal na pamantayan ng mga karapatang pantao. Tumatakbo ang RBA sa pamamagitan ng pagsulong at pagprotekta ng ating mga karapatan.

Ibig sabihin din nito, binibigyang-diin ng RBA ang mga obligasyon ng mga duty bearers patungo sa pagrespeto, pagprotekta, at pagsasakatuparan ng mga karapatan. Gamit ang mga internasyonal na pamantayan, natutukoy ang mga target na naisin gayundin ang mga partikular na responsibilidad na nakaatas sa mga partikular na duty bearers.

Sa ganitong paraan, mas lumilinaw ang mga pananagutan ng mga duty bearers at responsibilidad ng mga rights holders.

Mahalaga ring bigyang-diin na batay at ibinabagay sa konteksto ang mga inisyatibang RBA. Ibig sabihin, walang isang istriktong interpretasyon sa kung paano ito dapat isabuhay. Inaangkop ng RBA ang mga solusyon ayon sa mga partikular na kalagayan ng isang sitwasyon o problema at gayundin sa partikular na kakayahan ng mga kumikilos upang maresolba ito.

Ang mga Prinsipyong PANTHER

Higit pang mauunawaan ang RBA kung susuriin natin ang mga pangunahing prinsipyo nito. Masusuma ang mga ito gamit ang PANTHER.

PARTICIPATION o PARTISIPASYON. Susi sa pagkamit ng katuparan ng anumang inisyatibang RBA ang partisipasyon ng lahat patungkol sa mga desisyong makaaapekto sa kanila.

Ang bawat kasapi o stakeholder ay kailangang aktibo at armado ng kaalaman upang maging makabuluhan ang partisipasyon.

ACCOUNTABILITY o PANANAGUTAN. Ang usaping RBA ay nakaangkla rin sa konsepto na dahil nagtataglay ng kapangyarihan at pribilehiyo ang mga duty bearers, marapat lamang silang magtaglay rin ng pananagutan sa anumang hindi mabuting gawain o resulta ng gawain habang sila ay may hawak na tanggapan.

Sa RBA, iginigiit na ang mga mekanismo ng pananagutan ay dapat pang palakasin upang mabawasan ang mga pagkakataong bukas sa mga mananamantala ng kanilang kapangyarihang taglay bilang duty bearer.

NON-DISCRIMINATION o WALANG PAGTATANGI. Ang lahat ng karapatang pantao ay para sa lahat o all human rights for all ay hindi lamang isang panawagan, bagkus, ito ang pangunahing giit sa anumang pagtataguyod ng karapatang pantao.

Ibig sabihin, hindi dapat magkakaroon ng pagtatangi sa pagtrato sa sinuman sa anumang kadahilanan, ito man ay kasarian, relihiyon, kalag2yan sa lipunan, etnisidad, wika, kultura, atbp.

TRANSPARENCY o PAGIGING BUKAS. Ang proseso at mga resulta ng anumang programa ng pamamahala ay dapat bukas at lantad sa mga mamamayan.

Malaking bahagi ng pagsasakatuparan nito ay nakasalalay sa kakayahan ng mga duty bearers na ipahayag at ibahagi ang kanilang mga gawain, desisyon, at mga nakamit sa paraang maagap at nauunawaan ng mamamayan.

HUMAN DIGNITY o DIGNIDAD NG TAO. Likas sa tao ang kanyang dignidad.

Hindi ito iginagawad ng anumang batas, konstitusyon, o ng ibang tao; ito ay taglay ng lahat.Ang layunin ng pag-unlad at pagsasakatuparan ng karapatang pantao ay nag-uugat sa pangangailangang proteksyunan at irespeto ang dignidad ng bawat tao.

EMPOWERMENT o PAGPAPALAKAS. Ang pagpapalakas ng mamamayan ay prinsipyo ng RBA. Bunga ito ng paninindigan na ang mamamayang may taglay na kaalaman at kasanayan ay magiging ibayong kabahagi sa pagpapapatag ng lipunan at pagkamit ng inaasam na pag-unlad.

Kaakibat ng prinsipyong ito ang pagpapalawig ng mga espasyo sa pamamahala at mga proseso ng pag-unlad, lalo na ng mga taong bulnerable at marhinalisado na pinakalubos na maaapektuhan ng anumang programa.

RULE OF LAW o PANANAIG NG BATAS. Ang bawat kasapi ng lipunan ay inaasahang sumusunod sa batas at sa mga patakarang nakapaloob dito.

Ang prinsipyo ng rule of law ang siyang nagsisiguro na ang lahat ay may pananagutan sa batas. Ibig sabihin, ang paglabag sa batas ay may karampatan at makataong paglapat ng katarungan.

Pagsusulong ng RBA sa Komunidad

Kinikilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa mundo na may matatag na civil society. May libo-libong mga organisasyon at grupong naghahatid ng tulong at suporta sa mga mamamayan upang mas matamasa nila ang kanilang mga karapatan.

Maaaring sabihing dulot ito ng sidhi ng pangangailangan at laganap na kahirapan dulot na rin ng malaking kakulangan ng pamamahala.  Ngunit tunay ding marami sa ating mga mamamayan ang nagnanais na maging aktibong kalahok sa proseso ng pagkamit ng kaunlaran.

Ang mga people’s organizations, NGO, at mga concerned citizens ay may mahalagang papel sa pagsusulong ng RBA sa kanilang lugar. Inaanyayahan ang sinumang interesado na lumapit sa mga organisasyon at grupo para sa karapatang pantao, gaya ng PhilRights, upang masimulan ang proseso ng pagsusulong ng RBA at ng mas makabuluhan pang pakikilahok ng mamamayan sa mga proseso ng pamamahala at pag-unlad.

Mag-Request ng TAYO NAMAN: Praymer sa Rights-based Approach sa Pamamahala at Pag-unlad

Bilang kontribusyon sa pagpapalaganap ng kamalayan at kaalaman tungkol sa RBA, naglunsad ng bagong materyal ang PhilRights. Pinamagatang TAYO NAMAN: Praymer sa Rights-based Approach sa Pamamahala at Pag-unlad, ang publikasyong ito ay naglalayong ipakilala ang RBA sa sinumang nagnanais na makibahagi sa pagsusulong ng karapatang pantao at mga pamantayan nito sa gawaing pamamahala at pag-unlad. Hangad ng materyal na maging gabay ito sa pag-aaral at pagsasabuhay ng RBA, partikular sa mga indibidwal at organisasyon gaya ng mga peoples’ organizations, kooperatiba, at iba pang pormasyon.

Basahin ang aming blog post upang malaman kung paano makahihingi ng kopya ng praymer at iba pang materyal na RBA gaya ng poster at mga tarpaulin. Maaari ring i-download ang elektronikong kopya ng praymer sa link sa baba.

I-download ang TAYO NAMAN: Praymer sa Rights-based Approach sa Pamamahala at Pag-unlad (PDF, 15 mb)

Leave a Comment Using Facebook